MANILA, Philippines - Inaprubahan kahapon ng Sandiganbayan First Division ang mosyon ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo na madalaw ang may sakit na kapatid na naka-confine sa Makati Medical Center.
Limang oras na furlough ang naibigay kay CGMA ng Sandiganbayan para madalaw ang kapatid na si Arturo Macapagal sa naturang pagamutan mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong Martes August 11.
For humanitarian consideration ay naaprubahan ng graft court ang hiling ni CGMA para makita at madalaw ang may sakit nitong kapatid sa naturang pagamutan na may stage 4 prostate cancer.
Bago ito, pinayagan ng Sandiganbayan si dating Comelec chairman Benjamin Abalos na makapunta sa Singapore noong August 5- 12 upang magpagamot.
Si Abalos ay kapwa akusado ni Mrs. Arroyo sa kontrobersiyal na $329-million ZTE-National Broadband Network (NBN) deal noong 2007.
Si CGMA ay nananatiling naka-hospital arrest sa Veterans Medical Center sa QC dahil sa kasong graft at plunder dahil sa ZTE deal at sa maling paggamit ng pondo ng PCSO samantalang si Abalos ay pansamantalang nakakalaya dahil sa bisa ng kanyang nailagak na piyansa sa graft court kaugnay ng naturang kaso.