Sec. Abad pinasasama sa plunder
MANILA, Philippines - Naniniwala si Kabataan partylist Terry Ridon na mayroon pa ring pork barrel kung saan nakatago sa 2015 National Budget.
Ayon kay Ridon, ang hidden pork ay matutukoy base sa opisyal na dokumento ng Department of Budget and Management (DBM) na summary of appropriations for later release o tinatawag na negative list.
Ito ay annex umano ng national Budget circular no. 556 o Guidelines on the Release of Funds for Fiscal year 2015.
Sa P495.7 bilyon na nasa negative list, P48 bilyon dito ay halaga ng proyekto na tinatawag na Congressional insertion o Congressional initiative.
Nakakalat umano ito sa siyam na kagawaran at anim na iba pang ahensiya ng ehekutibo at walang detalye kung papaano gagamitin ang pondo.
Patunay lamang umano ito na buhay na buhay pa ang pork barrel sa sistema ng gobyerno sa kabila ng deklarasyon ng Korte Suprema na labag ito sa Saligang Batas.
Samantala, hiniling naman ni Atty. Bonifacio Alentajan sa Sandiganbayan na isama si Budget Sec. Florencio Abad sa hanay ng kakasuhan ng plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Sinabi ni Atty. Alentajan, dapat isama si Abad dahil siya ang pinaka-guilty sa kaso ng mga akusado sa pork barrel scam.
“It appears clearly from the preceding accusatorial allegations that Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio B. Abad, an alter ego of President Benigno C. Aquino III, is the most guilty among perpetrators of the case plunder, graft, and corrupt practices,” nakasaad sa mosyon ni Alentajan.
Wika pa ni Alentajan, hindi maibibigay ni Janet Lim-Napoles ang komisyon ng mga mambabatas mula sa kanilang PDAF kung hindi nagpalabas ng SARO ang DBM sa bawat proyekto.