Libreng hemodialysis ng PhilHealth kokonti ang nakakaalam - Villar

AP

MANILA, Philippines - Hinihikayat ni Senador Cynthia Villar ang Philippine Health Insurance Corporation na pag-ibayuhin ang mga pagsisikap nito na ipaalam sa publiko ang libreng hemodialysis treatment na iniaalok nito sa mga miyembro ng PhilHealth na merong kidney disease.

Ginawa ni Villar ang panawagan makaraang mabatid na ang kidney disease ang pampitong pangunahing nagiging sanhi ng mga kamatayan sa bansa.

“Andyan at libre ang panggagamot. Ang problema, hindi alam ng mamamayan kung paano makakakuha nito. Ang aking tanggapan halimbawa ay patuloy na nakakatanggap ng maraming request for referral at medical assistance para sa dialysis,” paliwanag ni Villar na tagapangulo ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises.

Pinuna ni Villar na nakakabahala na ang dumaraming bilang ng mga Pilipinong nagkakaroon ng chronic kidney disease.

Noong 2013, umaabot sa 23,000 Pinoy ang sumailalim sa dialysis dahil sa kidney failure. Apat na ulit na mas mataas ito kumpara sa 4,000 noong 2004 o 10 hanggang 15 porsiyentong pagtaas kada taon.

Naunang nagsampa si Villar ng Senate Resolution No. 1464 na nag-aatas sa Senado na siyasatin ang sistema ng pagkakaloob ng benefit packages sa mga pas­yente lalo na ang sa hemodialysis package sa ilalim ng National Health Insurance Program ng PhilHealth.

Dapat anyang ituro sa mas maraming Pilipino kung paano makakakuha ng hemodialysis package na dinagdagan ng 90 sessions mula sa 45 kada taon sa halagang P2,500 bawat sesyon.

 

Show comments