MANILA, Philippines - Dapat nang magbitiw sa tungkulin si Department of Transportation and Communications Secretary Emilio Abaya dahil nabubulagan umano ito sa sobrang pagmamalaki at tila wala siyang kakayahang maunawaan ang mga problema sa Metro Rail Transit (MRT).
Ito ang ipinanawagan kahapon ng abogadong si Rico Quicho na spokesman for political affairs ni Vice President Jejomar Binay.
Ginawa ni Quicho ang panawagan bilang reaksyon sa huling solusyon sa MRT na iniaalok ni Abaya - ang umarkila ng apat na magkakaibang kumpanya sa ilalim ng anim na buwang renewable contract para magsagawa ng pagmamantini sa mga tren.
Pero sinabi ni Quicho na ang panukala ni Abaya ay hindi magtitiyak sa kaligtasan ng mga pasahero.
“Hindi mo kailangang maging rocket scientist para maunawaan na hindi ka dapat nagbibigay ng short term contract sa apat na magkakaibang entidad para tumangan ng kumplikadong proseso,” paliwanag ni Quicho.
“Tulad ng pahiwatig mo na magbigay kami ng solusyon sa isyu, ang pinakamagaling na payo na maibibigay namin sa inyo, magbitiw na kayo sa tungkulin, Secretary Abaya at ipaubaya ang problema sa mga taong merong kakayahan na mas higit na nakakaangkop sa tungkulin,” panawagan ni Quicho sa kalihim. Palpak anya ang solusyon ni Abaya.
“Ang tamang solusyon, ibalik ang maintenance contract sa Sumitomo and Mitsubishi na meron nang patunay na makakagampan ng trabaho. Huwag nang maghanap ng pinakamurang kumpanya o ng yaong pagmamay-ari ng miyembro ng LP (Liberal Party). At gawin itong mabilis,” sabi pa ni Quicho.
Hinikayat din ni Quicho si Abaya na magpaliwanag at humingi ng paumanhin sa libu-libong pasahero ng MRT sa halip na magsayang ng oras sa pagbatikos sa Bise Presidente dahil sa mga katotohanang inilabas sa sarili nitong True State of the Nation Address.
Idiniin pa ni Quicho na batid na ni Binay ang isyu sa MRT at alam nito kung gaano na katagal hinihintay ng libu-libong pasahero ng MRT si Abaya na mag-isip at magbigay ng solusyon sa problema.
“Ito ang realidad: Dalawang taon nang nakaupo, may bilyong pisong badyet, libong tao sa kanyang Departamento; ngunit hanggang sa araw na ito ay naghahanap pa rin ng ibang masisisi at nagtuturo pa rin ng ibang taong lulutas ng kapalpakan si Secretary Abaya,” dagdag ni Quicho.