MANILA, Philippines - Hiniling ng mga guro at magulang kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na huwag nitong kunsintihin ang ginagawang pag-abuso ng isang school principal na maybahay pa naman ng isang konsehal ng lunsod.
Sinabi ni Jeneth de Guzman, pangulo ng Kaunlaran Elementary School teachers faculty, na dapat ipakita ni Malapitan na hindi nito kukunsintihin ang pag-abuso sa kapangyarihan at pambu-bully umnno ni Dr. Carmenia dela Cruz-Abel, maybahay ni Councilor Chito Abel, hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro ng paaralan.
“Tatawagin niya ang isa sa aming co-teacher na Hipolito o bansag niya para sa hippopotamus dahil matabang babae ang kasama namin. Binabansagan din niya ng tawag ang mga bakla at tomboy naming mga guro sa halip na tawagin sa kanilang apelyido,” wika pa ni de Guzman.
Para kay de Guzman, maling kustombre ito ng isang principal lalo na nga at miyembro ang kanilang mga kapwa guro ng Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) na binibigyan na rin ng karapatang proteksiyon na naaayon sa batas.
Nakiisa na rin ang magulang ng mga estudyante ng Kaunlaran Elementary School bilang pagsuporta sa mga guro na binabastos umano ni Abel at walang tigil sa pangha-harass sa mga ito.