MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa nabigong pagpaslang kay Congressman Vicente Belmonte na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo sa kanyang convoy noong 2014.
Sa 16-pahinang resolution ng DOJ panel of prosecutors, kabilang sa mga pinapanagot sa tatlong bilang ng kasong murder at apat na bilang ng frustrated murder ay si dating Iligan City Mayor Celso Regencia.
Napatunayan ng panel of prosecutors na may sapat na probable cause upang papanagutin sa nasabing krimen ang dating alkalde.
Bukod kay Regencia, dawit din sa kaso ang illegal gambling operator na si Amador Baller (alyas Dongki); ang police at bodyguard ni Regencia na si PeeJay Capampangan; Alfeo Arnoco, Rogelio Pitos Sr. (alyas Kim), Rogelio Pitos Jr., Romeo Suganub alyas Loloy, Julito Oros Ansad alyas Bino at ilan pang kalalakihan.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa gunman na si Dominador Tumala na nasa ilalim ngayon ng Witness Protection Program o WPP matapos aminin ang kanyang partisipasyon sa krimen.
Ayon kay Tumala, kasama sa pagpupulong si Mayor Regencia na nagbigay ng final briefings kaugnay sa target ng pananambang kay Belmonte.
Noong December 11, 2014, ala:1:30 ng hapon, nang harangin ng kulay puting L300 Van na may lulang armadong kalalakihan at paulanan ng bala ang sasakyan ni Belmonte habang binabaybay ang Bgy. Gasi, Laguindingan sa Misamis Oriental.
Nakaligtas sa insidente ang kongresista dahil sa tama ng bala sa katawan subalit ang kanyang tatlong aide ay namatay.