Disqualification vs Poe naisampa na
MANILA, Philippines - Tuluyan nang naihain kahapon ang kasong kumukwestyon sa legalidad ng pagiging mambabatas ni Senador Grace Poe.
Naisampa ng complainant na si Rizalito David ang reklamo sa Senate Electoral Tribunal (SET) matapos itong maudlot kamakalawa nang hindi makapagdala ng P50,000 filing fee at P10,000 deposit.
Layon ng 16-pahinang quo warranto complaint ni David na patalsikin si Poe dahil sa kwestyon sa citizenship nito.
Iginiit ng reklamo na palsipikado ang mga dokumento ng senador at hindi rin totoo ang mga nakalagay sa Certificate of Candidacy nito nang tumakbo sa 2013 elections.
Dagdag pa ni David, may problema sa pagiging foundling ni Poe, na dapat sana ay nalinaw bago tumakbo bilang senador.
Binanggit naman ng complainant na nagpakilalang concerned citizen na walang grupo o sinuman na nasa likod niya sa pagsasampa ng reklamo. Sariling gastos din anya ang inilaan niya para sa kaso.
Samantala, inihayag naman ni Poe na bukod sa handa niyang sagutin ang kwestyon sa kanyang citizenship ay ipinagpapasalamat din niya ito.
“Sa isang banda, mabuti na rin at ako ay nagpapasalamat na mayroon nang naghain ng kwestyon tungkol sa isyung ito para masagot ko ito ng kumpleto, maihayag ang katotohanan at matuldukan na ang pagdududa,” sabi ng senador.
Naniniwala naman ang batikang election lawyer na si Romy Macalintal na mahina ang kaso laban kay Poe at hindi na ito dapat pang tanggapin ng SET.
- Latest