MANILA, Philippines – Masyadong mabigat ang responsibilidad ng pagiging Bise Presidente dahilan upang isarado ni Camarines Sur Rep. Maria Leonor “Leni” Robredo ang pintuan para dito.
Sinabi ni Robredo ngayong Huwebes na wala siyang balak tumakbo sa mas mataas na posisyon sa kabila ng usap-usapang maaari siyang maging runningmate ni Interior Secretary Mar Roxas sa eleksyon 2016.
“That is too big position for me,” wika ni Robredo sa 1st Public Management Development Program Leadership Conference. “I’m not running for vice president.”
Dagdag niya na marami pa siyang kailangang matutunan lalo na at nakakadalawang taon pa lamang siya sa paglilingkod sa bayan.
Aniya nais muna niyang tutukan ang kaniyang nasasakupan.
“I’m not ready to leave my district because it’s still very delicate. Camarines Sur is only starting to change its mindset on how to perceive government officials,” banggit ng kongresista na asawa ng namayapa nang dating Interior Secretary Jesse Robredo.
Samantala, sa kabila ng kaniyang kasunduan sa mga anak na isang termino na lamang ang kaniyang kukunin sa gobyerno, malaki ang tsansang muli siyang tumakbo upang maipagpatuloy ang kaniyang mga nasimulan sa Camarines Sur.