MANILA, Philippines – Hiniling ng Goldxtreme Trading Co. sa Securities and Exchange Commission na alisin ang pangalan ng kumpanya sa listahan ng ‘blacklisted’ investment firm na naunang ibinababala sa publiko.
Batay sa ‘public advisory’ ng SEC noong Hunyo 4, 2014, napasama ang Goldxtreme sa listahan ng mga high-risk investment schemes na dapat iwasan at pag-ingatan ng publiko bunsod na rin ng sunud-sunod na insidente ng ‘investment scam’ na nakapagbibiktima ng mga mamamayan.
Pero nilinaw ni Atty. Dennis Manalo, legal counsel ng Goldxtreme, na posibleng nagkaroon ng pagkakamali ang SEC sa pagturing sa Goldxtreme dahil matagal na itong lehitimong kumpanya.
“Nakapagpadala na po kami ng sulat kay SEC Director Jose P. Aquino na nakikiusap na kami po ay tanggalin kami sa advisory, dahil maaaring makaapekto ito sa imahe ng kumpanya,” pahayag ni Manalo. “Wala po ni isang kasong hinaharap ang Goldxtreme dahil lahat po ng aming ginagawa ay legal, at nagbabayad din po kami ng tamang buwis sa gobyerno sa lahat ng aming mga operasyon. Dahil sa SEC advisory, posibleng masira ang reputasyon ng Goldxtreme at ng mga miyembro nito,” aniya.
Ayon sa sulat ni Manalo sa SEC, ang business model ng Goldxtreme ay hindi umaasa sa pag-re-recruit o paglikom ng pondo mula sa mga investor.
“Ang tanging negosyo ng Goldxtreme ay ang pagbenta ng ginto. At, para sa mga kliyente na gusto pang makakuha ng mas maraming ginto sa mas maliit na halaga, maaari silang mag-refer ng mga iba pang gustong bumili ng ginto mula sa amin. Ito’y hindi naiiba sa mga business model ng mga multi-national health, beauty, at homecare products,” sambit ni Manalo.
Ipinaliwanag din ni Manalo na hindi nangangako ang Goldxtreme ng kahit anong “return on investment” ngunit nagbibigay ito ng mga pabuya para sa mga kliyente na nagsikap na makakuha ng mga iba pang bibili ng ginto mula sa kanila.