LTFRB chief ginisa sa House

MANILA, Philippines – Pinagbibitiw ng mga mambabatas at mga non-government organizations si Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Winston Ginez sa kanyang puwesto matapos pumutok ang umano’y iligal na pag-iisyu ng prangkisa sa mga pinaborang bus companies na nagpapalala sa problema ng trapiko sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kahapon, nag-walkout pa si Abakada Party­list Rep. Jonathan dela Cruz dahil sa galit kay Ginez na matagal na umanong niloloko ang mga kongresista sa pangako na lilinisin ang LTFRB.

Katulad ni dela Cruz, binira rin ni Angkla Party­list Rep. Jess Manalo ang mga opisyal ng LTFRB dahil watak-watak umano ang mga ito at hindi nag-uusap na nagiging sanhi upang magkaroon ng mas malalang problema sa ahensiya.

Napag-alaman sa hearing na nagdededmahan sina Ginez at ang dalawa pang board members ng LTFRB na sina Atty. Ariel Inton at Atty. Ronaldo Corpus.

“If you cannot talk to each other, then you better resign from your posts,” ani Manalo.

Umikot muli ang mga napapaulat na iregularidad at corruption sa LTFRB matapos ipatupad ng ahensiya ang provincial bus rationalization plan nito.

Sa isang kontrobersyal na decision ng LTFRB, inaprubahan nito ang mga aplikasyon para sa route modification ng bus operator na Pangasinan Solid North, Inc. kahit hindi pa ito datihang operator at walang business permit, terminal at garahe sa nabagong ruta.

Para naman kay MMD committee chairman Winston ‘Winnie’ Castelo, isusulong niya ang pagbubuo ng Technical Working Group sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura upang lalung mapalakas ang oversight powers ng Kongreso.

Ayon kay Castelo, layunin ng TWG ang rebyuhin ang mga prangkisa na iniisyu ng LTFRB gayundin ang mga rationalization program ng ahensiya.

Show comments