MANILA, Philippines – Ipinagtanggol kahapon ni DILG Secretary at LP presidential standard bearer Mar Roxas si Presidente Noynoy Aquino sa mga birada ni Vice President Jejomar Binay tungkol sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Ito’y tungkol sa alegasyon ni Binay na pinayuhan niya noon si PNoy na “respetuhin ang institution” at huwag iimpeach si Corona sa harap ng mga alegasyon na may itinatagong yaman ito at pagkampi sa mga kasong kinasasangkutan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo.
Magugunita na Disyembre 2011 ay inimpeach ng Mababang Kapulungan si Corona at nahatulang guilty ng Senate Impeachment Court noong Mayo ng sumunod na taon. 20 senador ang bumotong guilty si Corona pagkatapos mapatunayan sa paglilitis na may mahigit P183 milyon, lupa sa magarang subdivision at mamahaling mga condominium unit si Corona na hindi nakadeklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon kay Roxas, “malabo” ang mga paratang ni Binay, na noo’y nanahimik at walang direktang pahayag tungkol sa kaso kay Corona. “Iisa lang ang malinaw dito: malabo ang mga dahilan ni Vice President Binay sa banat niya kay Pangulong Aquino sa pagsusulong ng impeachment laban kay Renato Corona. The Judiciary is not Corona and Corona is not the entire Judiciary,” pahayag ng Kalihim sa isang statement na ipinadala sa mga mamamahayag.
Pinaalala ni Roxas na matibay at malinaw ang ebidensiya laban kay Corona. “Alam ng lahat na nasunod ang proseso ng batas sa pagtanggal sa puwesto ni Corona. In the face of overwhelming evidence, the impeachment court found that Corona had millions of pesos and properties that were not declared in his SALN and outside of his lawful income as a government employee. Even Binay’s staunchest allies voted to impeach Corona,” sabi niya.
“Kapag naging pangulo siya, ibig sabihin ba nito ay hindi siya kikilos laban sa mga tiwaling judge, senador, congressman kahit ga-bundok na ang ebidensiya dahil sa baluktot niyang paraan ng pagrespeto sa mga institusyon?” tanong pa ni Roxas.