MANILA, Philippines – Nakapako na at hindi mababago ang desisyon ni Senador Grace Poe na kumandidato sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Ito ang idiniin kahapon ng pangulo ng Nationalist People’s Coalition na si House Deputy Speaker Giogido Aggabao (Isabela).
Ipinahiwatig ni Aggabao na usapin na lang ng oras at araw kung kailan idedeklara nina Poe at ng ipinalalagay na running mate nitong si Senador Francis Escudero ang kanilang kandidatura.
“Nakikini-kinita ko at nasabi sa akin na ang proklamasyon ay maaaring isagawa sa Setyembre,” sabi pa ni Aggabao.
Sa ngayon anya, walang makakapigil kina Poe at Escudero na kumandidato sa pinakamataas na puwesto sa bansa sa darating na halalan.
“Napag-alaman ko na nakapako na ang kanyang isip na kumandidatong pangulo. Hindi na iyan mababago,” sabi pa ng kongresista.
Ipinaliwanag pa ni Aggabao na, bagaman hindi pa nagpupulong ang mga miyembro ng kanilang partido para pormal na pagpasyahan kung sino ang susuportahan dahil wala pang desisyon ang dalawa sa kani-kanilang planong pulitikal, karamihan sa kanila ay sumusuporta sa posibleng tambalan nina Poe at Escudero.
Nilinaw pa ni Aggabao na, bagaman hindi nila minamaliit ang malawak na karanasan at rekord ni DILG Secretary Mar Roxas na inindorso na ni Pangulong Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party, makatwiran lang anya na piliin si Poe dahil merong katiyakang mananalo ito.
Mahina anya si Roxas batay sa bagsak na rating nito sa mga survey.
Gayunman, sinabi ni Aggabao na susuportahan lang nila si Roxas kapag biglang nagdesisyon si Poe na huwag tumakbong presidente.