MANILA, Philippines – Hinamon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ngayong Martes si Bise Presidente Jejomar Binay na ipakita ang kaniyang tunay na Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).
Sinabi ni Cayetano na dapat ay sinagot muna ni Binay ang mga paratang na katiwalian sa kaniya bago niya binatikos ang administrasyon kahapon sa kaniyang “true State of the Nation Address.”
"Bago sana siya naglabas ng tinatawag niyang True SONA, sana ay naglabas muna ang bise presidente ng kanyang True SALN," pahayag ng senador.
"Nakapagtatakang naririnig natin ito mula sa bise presidente, samantalang siya mismo ay hindi pa sinasagot ang mga isyu ng korapsyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya," dagdag niya.
Ilan sa mga isyung binabato kay Binay at sa kaniyang pamilya ang overpriced na pagpapagawa ng Makati City Hall Building II at Makati Science High School building.
Nitong nakaraan taon ay idineklara ni Binay sa kaniyang SALN na P38.843 milyon ang cash on hand niya at ang nasa banko, ngunit lumabas sa imbestigasyon ng senado na mali ito.
Base sa mga testimonya at documentary evidence ay lumabas na higit P600 milyon ang yaman ni Binay na nakatago sa magkakaibang bank accounts na pagmamay-ari niya at ng ilang umano’y dummies niya.
"Up to now, he has not provided a clear-cut explanation regarding his alleged ill-gotten wealth. The public deserves transparency, the truth and honest leaders who are accountable for their actions," banggit ni Cayetano.
Kinuwestiyon din ng senador ang nagawa ni Binay para sa bayan sa nakaraang limang taon.
"Sa panahong iyon, ano ba ang kongkretong nagawa niya bilang presidential adviser for OFWs, lalo na sa isyu ng human trafficking at labor concerns?" tanong ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na ginagamit ni Binay ang paninira sa administrasyong Aquino upang matakpan ang isyu laban sa kaniya.
Muling tinawag na manhid at palpak ni Binay ang gobyerno kahapon, habang binatikos din ang mga kakulangan nito.