MANILA, Philippines – Libre, madaling buksan, simpleng i-maintain, at hindi mahirap ma-access.
Ito ang idinahilan kahapon ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto patungkol sa Facebook kasabay ang paggiit na gamitin ang nasabing social media sa bawat proyekto ng gobyerno.
Ayon kay Recto, mahigit na sa 30 milyong Filipino ang may account sa FB kaya madali na nilang makikita at i-monitor ang mga programa sa gobyerno kung magkakaroon ito ng account.
Kung mayroon aniyang isang panukalang tulay sa isang bayan, maaring maglagay ng FB account ang field office ng Department of Public Works and Highway (DPWH) upang ma-monitor ito ng mga mamamayan.
Sinabi pa ni Recto na dahil halos lahat ng mga mobile phones ngayon ay may camera, madali nang mag-upload ang mga litrato upang makita ang progreso ng isang konstruksiyon. Idinagdag ni Recto na hindi na kinakailangang gumastos ng malaki para sa consultants at monitoring dahil libre naman ang FB.