MANILA, Philippines – “Now, we don’t have differing opinions, we have only one opinion to rally behind Roxas,” ang mariing pahayag ni House Speaker at LP Vice Chairman Feliciano ‘Sonny’ Belmonte kamakailan pagkatapos hingan ng reaksyon sa mga ilang haka-haka na mabibitak ang Partido Liberal.
Pahayag ito ni Belmonte matapos palutangin ng ilang kampo na hindi lahat sa LP ay suportado si DILG Secretary Mar Roxas, na siyang inindorso ni Pangulong Aquino bilang kanyang pambato laban kay Vice President Jejomar Binay sa halalan 2016.
Ngunit taliwas ito sa mga pinakita ng mga miyembro ng LP noong Biyernes sa Club Filipino dahil full force ito sa tinawag na ‘Gathering of Friends’ para sa pormal na anunsiyo ng endorsement kay Roxas. Pinangunahan nina Senate President Franklin Drilon at Speaker Belmonte ang mga miyembro ng LP na dumagsa sa nasabing event, tulad nina Sens. Bam Aquino, Ralph Recto at TG Guingona.
Kumpleto rin ang attendance ng mga batang congressman tulad nila Kit Belmonte, Miro Quimbo, Dax Cua, Dan Fernandez, Sam Gullas at Alfred Vargas. Nasipat din sina Iloilo Representative Jerry Treñas, dating Quezon Rep. Erin Tañada at kanyang ama na si dating senador Wigberto Tañada.
Emosyunal ang naging pagtanggap ni Roxas sa pag-eendorso ni PNoy. Sinabi ni Roxas na “pakiramdam ko, pinapasa mo sa akin ang mga ipinaglaban ng iyong mga magulang. Malaking karangalan po sa akin yun, Mr. President.”
Nangako si Roxas na itutuloy ang nasimulan ni PNoy sa Tuwid na Daan. “Sinusumpa ko ngayon, hindi ko dudumihan ang pangalan nila, at lalong hindi ko dudumihan ang pangalan mo,” panata nito sa Pangulo.