MANILA, Philippines – Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) na mag-ingat sa pagkain ng mga shellfish sa apat na lugar na bahagi ng Visayas at Mindanao na natukoy na positibo sa red tide toxin.
Batay sa natanggap na shellfish bulletin ng DOH mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), bawal muna ang pangongolekta, pagkain at pagbebenta ng mga shellfish na makukuha sa limang coastal areas na kinabibilangan ng Balite Bay sa Mati, Davao Oriental; Dauis sa Bohol, Irong-irong Bay at Cambatutay Bay sa Western Samar, at coastal waters ng Milagros sa Masbate.
Ito’y matapos lumabas sa pagsusuri na ang mga shellfish, tulad ng tahong, halaan at talaba, na nakokolekta sa mga naturang lugar ay positibo sa red tide o paralytic shellfish poison.
Bukod dito, bawal din muna ang pangunguha ng alamang o shrimp fry dahil hindi ligtas ang mga ito para sa human consumption.
Nilinaw naman ng BFAR na maaaring kumain ng isda, pusit, hipon at alimango na galing sa naturang limang coastal areas, ngunit kailangang tiyaking ang mga ito ay sariwa, nahugasang mabuti, tinanggalan ng bituka at hasang at nilutong mabuti.
Inianunsyo rin naman ng ahensya na inalis na nila ang red tide alert sa coastal waters ng Mandaon sa Masbate matapos na matiyak na ligtas na ito sa red tide.