MANILA, Philippines – Nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya habang nagpapasasa sa marangyang buhay ang isang lola na mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa isinagawang operasyon sa bayan ng Molo, Iloilo kahapon ng umaga.
Kinilala ni AFP-Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato ang nasakoteng CPP-NPA lider na si Maria Concepcion Bocala, 64 anyos na gumagamit ng mga alyas na Ka Etang at Ka Concha at tumatayong Secretary General ng Komite Rehiyonal Panay.
Dinakip si Bocala dakong alas-6 ng umaga matapos i-tip ng informer ng militar sa magarbo nitong tahanan sa Juntalo Subdivision, Brgy. Calumpang, Molo, sa bisa ng dalawang warrant of arrest sa kasong murder at rebelyon.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong, si Bocala ay may patong sa ulong P7.8 milyon.
Kasama nitong naaresto ang pamangking si Joseph Cariaga at ang katulong na si Annielyn Soldevilla.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Bocala ang isang fragmentation grenade, isang cal. 45 pistol, isang cal 22, mga bala, 13 piraso ng sari-saring uri ng cellphone, laptop at mga subersibong dokumento.
Samantala, nahaharap din sa karagdagang kaso si Bocala kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms Law.
Pinapurihan naman ni AFP Chief Gen. Hernando Iriberri si Col. Eric Uchida, Commander ng Army’s 301st Infantry Brigade sa matagumpay na pagkakaaresto kay Bocala.
Wika ni Iriberri, dumanas ng malaking dagok ang komunistang grupo sa pagkakasakote sa isa na naman nilang mataas na opisyal. Nasa kustodya na ng Region VI-CIDG si Bocala.