MANILA, Philippines - Isang social worker na Pilipino na isa ring migrant rights’ activist ang namatay sa loob ng Philippine Consulate sa Dubai dahil umano sa heat stroke noong Martes ng umaga.
Kinumpirma ng isang opisyal ng konsulado ang pagkamatay ng biktimang si Alex Galano Lapore, 37, bagaman iniimbestigahan pa ang dahilan ng pagkasawi nito, ayon sa isang ulat ng Emirates 24x7 News.
Sinabi naman ng mga kaibigan ni Lapore na kinakalap pa nila ang mga detalye hinggil sa kanyang pagkamatay pero, ayon sa pangunang impormasyon mula sa ibang mga taong nasa paligid nang mga oras na iyon, bigla na lang itong hinimatay dahil sa heat stroke bago isinugod sa Al Rashid Hospital bagaman patay na ang biktima pagdating dito.
“Magpapalabas ang Philippines Consulate ng opisyal na pahayag hinggil sa kanyang pagkamatay.
Sinuri ng mga Consulate official ang CCTV footage na nagpapakita kay Lapore na pumapasok sa konsulado at tumumba, nakasalampak sa semento ang mukha, hanggang magdugo at nawalan ng malay.
Hindi pa mabatid ang medical history ni Lapore pero sinasabi ng kanyang mga kaibigan na meron siyang hypertension. Isinaad sa isa niyang ipinoste sa Facebook na nagdiwang siya ng kanyang kaarawan noong Hulyo 11 at meron siyang healthy lifestyle.
“Limang taon ko nang kakilala si Alex at hindi namin mabatid ang talagang nangyari. Pumasok siya sa compound at pumila para sa isang transaksyon. Meron siyang dalang mga papeles at naghihintay na maasikaso nang matumba at mawalan ng malay,” sabi ni Tatskie na kasamahan ni Lapore sa grupong Migrante.