Aquino sisters: ‘Galit kami!’

Ballsy at Pinky

MANILA, Philippines - Nagpahayag ng ma­tinding hinanakit kahapon ang mga kapatid na babae ni Pangulong Benigno C. Aquino sa lantarang pag-atake dito ni Vice President Jejomar Binay.

Sa panayam ng ANC TV, sinabi ng magkakapatid na Aquino na hindi nila puwedeng suportahan ang bise presidente sa hangaring tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 kahit pa ito’y isang family friend.

Binasag ng Aquino sisters na sina Ballsy Aquino-Cruz at Pinky Aquino-Abellada ang kanilang pananahimik kaugnay sa mga banat ni Binay sa kanilang kapatid na si Pangulong Noynoy Aquino.

Sinimulan nang batikusin ni Binay ang administrasyong Aquino makaraang tumiwalag siya sa Gabinete nito na limang taon niyang inupuan.

Ayon  kina Presidential sisters Aurora Corazon “Pinky” Aquino-Abellada at Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, susuportahan nila ang sino mang i-endorsong standard bearer ng Pangulo para sa Liberal Party na  batay sa mga indikasyon ay si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.

“Malinaw naman na labanan na ito para sa halalan sa susunod na taon. Talagang hiwalay na ang landas. Talagang klarong-klaro na kakandito siya na hindi siya sang-ayon... Marami siyang hindi gusto sa administrasyon na ito. Wala siyang maaasahan sa aming pamilya,” pahayag ni Ballsy.

Kilalang malapit sa pamilya Aquino si Binay mula nang itinalaga siya bilang OIC ng Lungsod ng Makati ni dating Pa­ngulong Cory Aquino noong 1986. Madalas sabihin ni Binay na malaki ang utang na loob niya sa mga Aquino kaya ikinagulat ng lahat ang mga matinding paninira niya sa Pangulo. Halata naman nasaktan dito ang magkakapatid na Aquino.

“Tao lang ako. Tulad ng sabi ni Ballsy, malinaw na ang pagkakaiba. Kailangan lang igalang ang isa’t-isa,” pahayag naman ni Pinky.

Inaasahang ano mang oras ay pormal nang ihahayag ng Pangulo ang endorsement niya kay Roxas bilang presidential candidate ng Partido Liberal.

Malinaw rin sa mga pahayag ni Kris Aquino, actress-TV host at bunsong kapatid ng Pangulo na, kahit malapit sila sa mga Binay, uunahin pa rin niya ang kanyang pamilya. Sa isa sa kanyang mga Instagram posts, sabi ni Kris na ni minsan ay hindi sila diniktahan ni PNoy tungkol sa usaping pulitika.

“Makatwiran lang na manindigan para sa kanyang mga kaalyado pero hindi niya kami dinidiktahang magkakapatid na huwag nang makipagkaibigan sa sino mang hindi niya makasundo. Gayunman, bandang huli, ang puso at dasal ko ay laging para kay PNoy,” wika pa ni Kris.

Kaibigan man o hindi, nilinaw ni Kris na sa huli ay si PNoy pa rin ang dedepensahan niya. Pahayag ni Kris pagkatapos tawa­ging ‘palpak’ at ‘manhid’ ni Binay si PNoy: “Ayaw ko nang magkomento nang mahaba. Nakakatiyak ako na para sa inyo at sa inyong mga mambabasa, kauna-unawa na una para sa akin ang pamilya. Ang aking tanging kapatid na lalake,” sagot niya.

Siniguro ng Aquino sisters na susuportahan nila ang magiging kandidato ni PNoy sa 2016 katulad ng ginawa nila nung 2010. Nilinaw ni Pinky na sinuportahan nila noon pa si Roxas. “In 2010, nagugulat lang ako because up to the end we were ‘Noy-Mar’,” diin niya. Inaasahang ieendorso na ngayong araw ni Pangulong Aquino si Roxas sa Club Filipino.

Show comments