MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo si Pangulong Aquino na akuin na lamang ang kanyang mga pagkukulang sa halip na sisihin ang nakaraang administrasyon.
Ito ang reaksiyon ni Pabillo sa huling State of the Nation Address ng Pangulo kung saan muli niyang sinisi ang umano’y katiwalian ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Pabillo, hindi makakausad ang bansa kung patuloy ang gagawing paninisi ni PNoy sa administrasyong Arroyo na hindi na umano dapat pang nauungkat.
Ngayong hindi na aabot sa isang taon ang nalalabi sa termino ni PNoy, hindi na tama na sisihin pa niya ang gobyernong Arroyo sa problemang kinakaharap ng bansa.
Mahigit limang taon na umano sa pwesto si Aquino, pero hanggang ngayon, paninisi pa rin ang kanyang binibitiwan.
Kasabay nito, dismayado rin si Pabillo dahil ginamit lamang ni Aquino sa propaganda ang kanyang SONA sa halip na ilahad ang tunay na sitwasyon ng bansa.