MANILA, Philippines — Iginiit ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Biyernes na walang sinuman sa kanilang mga ministro o miyembro ang dinukot.
Sinabi ni INC spokesperson Edwin Zabala na walang hostage taking na naganap sa bahay ng mga Manalo sa Tandang Sora, Quezon City sa kabila ng karatulang inilabas sa bintana na hinahanap ang mga nawawalang ministro.
Dagdag niya na sina Angel Manalo mismo ang nagsabing hindi sila dinukot o ikinulong sa kanilang bahay.
"Hindi totoong they were being held against their will. At ang sabi nga po nila na 'yun daw pong mga karatula na 'yon ay ginawa lamang ng isang batang nagbibiro," wika ni Zabala sa kaniyang panayam sa dzRH.
"Masamang biro po 'yon... Nakakabulabog.”
Matapos pumutok ang balita tungkol sa mga Manalo ay rumesponde ang mga awtoridad kasama si Quezon City Mayor Herbert Bautista na pumasok sa naturang tahanan.
"Pati po si Mayor Herbert naroroon, ang sabi po niya [Angel Manalo] ay hindi totoong siya ay hinohostage, na 'yun daw pong naka-paskil ay ginawa lang ng isang bata na kasama nila sa loob," pahayag ni Zabala.
Pinabulaanan din ni Quezon City Police District chief Senior Superintendent Joel Pagdilao ang mga ulat na may ikinulong na miyembro ng INC sa tahanan ng mga Manalo.
"Nililinaw po sa isang taong aanib sa Iglesia na hindi ito family corporation. Ang Iglesia ay isang relihiyon," sabi ni Zabala.