MANILA, Philippines - Itinuloy kahapon ng Navotas Fishport Market Traders Association ang “fish holiday” nang hindi magtinda ng isda ang mayorya sa mga negosyante bilang protesta sa bagong batas sa pangingisda.
Sinabi ni Dr. Mario Pascual na tinututulan nila ang bagong amiyenda sa Fisheries Act of the Philippines na nagbabawal sa commercial fishing sa 15 kilometro ng dagat mula sa pampang.
Ipinagbabawal rin ang paggamit ng lambat at tanging bingwit ang pinapayagan habang hanggang tatlong kilo ng isda lamang ang pwedeng bingwitin.
Karaniwang kasagsagan ng bentahan ng isda sa Navotas fishport ng alas-3 ng madaling araw ngunit kahapon ay malinis na malinis sa banyera ng isda ang lugar ng pakyawan.
Ngunit hindi rin lahat ay nakiisa. Dakong alas-6 ng umaga nang ibagsak ang mga isda mula sa mga lalawigan ng Batangas, Zambales at Ilocos.
Hinarangan naman ng ilang kasapi sa fish holiday ang pasukan ng Market 3.