Ina at kapatid ng lider ng INC itiniwalag!

MANILA, Philippines - Itiniwalag na sa sekta ng Iglesia ni Cristo (INC) sina Tenny at Angel Manalo, ina at kapatid ng kasalukuyang punong ministro na si Eduardo Manalo.

Sa ginanap na press conference sa Quezon City, sinabi ni INC Gene­ral Evangelist Bienvenido Santiago na ang INC hierarchy ay nagdesisyon na tanggalin ang dalawa mula sa general membership ng INC matapos lumabas sa isang YouTube video ang mag-ina na humihingi ng tulong dahil nanganganib daw ang kanilang buhay at ilan sa kanilang ministro ay nadukot na at hindi nila alam kung nasaan.

Ani Tenny sa natu­rang video, “Ako’y nana­nawagan sa aming mga kapatid sa Iglesia na tulungan ninyo kami dahil may panganib sa aming buhay. Saklolohan ninyo ang aking mga anak na sina Angel at Lottie at ang kanilang mga kasama.

“Tulungan n’yo rin ang mga ministro na dinukot at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.”

Umapela rin ang biyuda na makausap ang isa pang anak na si Eduardo Manalo, na siyang kasalukuyang punong ministro ng Iglesia.

Sinabi naman ni Santiago na walang katotohanan ang sinasabi nina Tenny at Angel.

Anya, nais lamang ng dalawa na makakuha ng simpatiya sa mga miembro upang makumbinsi na mabigyan ang mga ito ng pagkakataon na makialam sa administrasyon ng INC. Ang ginawa nila umano ay isang paglabag sa panga­ngaral at regulasyon ng INC.

Ang INC ay may 2.2 milyong miyembro mula nang umupo si Eduardo bilang executive minister ng INC makaraan naman mamatay ang kanyang ama na si Ka Eraño “Erdy” Manalo noong 2009.

Sabi pa ni Santiago, ang pagkaluklok kay Eduar­do bilang punong ministro ay naging patas at may due process at ang INC ay hindi kumpanya kundi isang relihiyon.

“Mga kapatid po namin sa Iglesia ni Cristo, nananawagan po kami sa inyo dahil nanganganib po ang aming buhay. Sana’y matulungan niyo po kami. Sana po ay mapakinggan rin po ninyo ang pana­wagan ng aking ina,’’ pahayag ni Angel.

Ang umano’y krisis sa INC ay naganap bago pa man ipagdiwang ang ika-101 anibersaryo nito sa Lunes, Hulyo 27.

 

Show comments