MANILA, Philippines – Inanunsiyo ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Huwebes na itinawalag na nila ang ina at kapatid ni executive minister Eduardo Manalo.
Kumalat nitong nakaraang araw ang video nina Tenny at Angel Manalo kung saan humihingi sila ng tulong dahil nasa panganib ang kanilang buhay.
Sinabi ni Tenny, asawa ng namapayapa namang INC executive minister Eraño "Erdy" Manalo, na ilan sa kanilang ministro ay dinukot.
"Saklolohan ninyo ang aking mga anak na sina Angel at Lottie at ang kanilang mga kasama," banggit ni Tenny sa naturang video.
Hinikayat din ng ina na makausap ang kaniyang anak na si Eduardo.
Samantala, pinabulaanan naman ni INC General Evangelist Bienvenido Santiago ang pahayag nina Tenny at Angel.
Aniya, nagpapaawa lamang ang mag-ina upang makuha ang simpatya ng kanilang mga kapatid sa pananalig.
Dagdag niya na may nilabag ang mag-ina sa mga patakaran ng relihiyon.
Nabuo ang INC noong 1914 sa pamumuno ni Felix Manalo na sinundan ni Erdy Manalo sa loob ng 46 na taon.
Pinalitan ni Eduardo ang ama bilang executive minister matapos mamatay noong 2009.