MANILA, Philippines — Nakapasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong “Chedeng” ayon sa state weather bureau.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bahagyang humina ang bagyo nang pumasok ito sa PAR kaninang madaling araw.
Huling namataan ng PAGASA si Chedeng sa 915 kilometro silangan ng Borongan, Eastern Samar kaninang alas-10 ng umaga.
Taglay ng pangatlong bagyo ngayong taon ang lakas na 175 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 210 kph, habang gumagalaw ito pa-kanluran hilaga-kanluran sa bilis na 19 kph.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring tumama sa kalupaan ng Isabela, Quezon o Aurora ang bagyo sa Sabado o sa Linggo.