MANILA, Philippines - Limang mangingisdang Pinoy na nasiraan ng bangka at lulutang-lutang sa gitna ng kagaratan ang nasagip ng US Navy matapos matangay ng mga malalakas na alon at mapadpad sa baybayin ng Japan.
Kinilala ni Ambassador Manuel Lopez ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, ang limang Pinoy na nagmula sa Itbayat, Batanes na sina Glenford Gutierrez Villa, Jonas Salamagos Manzo, Joseph Castillejos, James Cano Bata at Froilan Ibanes Libaton.
Sinabi ni Lopez na apat na araw at tatlong gabi na nagpalutang-lutang ang mga mangingisda bago sila nailigtas ng USS Blue Ridge noong Marso 25. Sila ay dinala sa Yokohama noong Marso 30 at ipinasa ng US officials sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo.
Nakipagkita ang limang mangingisda kay Amb. Lopez noong Marso 31 at agad silang nakauwi sa Pilipinas.
Ayon sa mga mangingisda, nasira ang kanilang bangka na Oxangu Hulk habang papauwi sila sa Itbayat bunga ng malalakas na alon at hangin hanggang sa napadpad sila sa karagatang sakop ng Japan.
Naispatan naman ang mga stranded na mangingisda na lulan ng maliit na bangka habang iwinawagayway ang isang puting t-shirt at flashlight ng US Navy na nagpapatrulya sa karagatan.
Natagpuan sila na walang pagkain, malnourished na at dumaranas ng hyphotherma at dehydration.
Agad umano silang binigyan ng first aid at isinakay sa USSS Blue Ridge vessel at saka pinakain.
Sumailalim din sa medical checkup ang limang nasagip na Pinoy at binigyan ng kasuotan bilang proteksyon sa matinding lamig o ginaw. (Ellen Fernando)