Lakas members na lumipat sa LP babalik na sa partido

MANILA, Philippines - Magbabalik na umano ang mga orihinal na miyembro ng partidong Lakas-CMD na lumipat sa ruling party na Liberal Party (LP).

Sa isang pulong balitaan sa Jade Hotel and Suits sa Makati, sinabi ni Lakas President at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romouldez, marami na ang nag-commit sa kanila na babalik na sa kanilang partido subalit hindi pa maaaring banggitin sa ngayon ang pangalan ng mga ito.

Paliwanag ni Romouldez, maayos naman nagpaalam ang kanilang mga kasama bago umalis sa kanilang partido dahil naawa ang mga ito sa kanilang distrito at mga constituents dahil sa tinatanggalan ang iba ng pondo.

Nilinaw naman ni Lakas Vice-chairman at d­ating Quezon Rep. Danny Suarez, na hindi sila tumitigil sa pag-oorganisa sa mga dating miyembro ng partido na lumipat sa LP para ma win-back  ang mga ito kaya marami na ang nag-commit na babalik.

Ayon kay Suarez, pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Hunyo ay ilalabas na nila ang listahan ng mga pambato nila sa 2016 presidential elections.

Nagbiro pa ang dating kongresista na pipiyan­sahan muna nila ang kanilang pambato dahil nakakulong pa ito na ang tinutukoy ay si Sen. Bong Revilla na kapartido nila.

Nagpatutsada naman si Romouldez, na kaya nauuso ang balimbingan ngayon ay dahil iniipit ng administrasyon ang pondo sa mga hindi nila kaalyado kaya panahon na umano para gamitin ng Kongreso ang “power of the purse” para hindi tinatakot lagi ng Malakanyang.

Makikita naman umano ang “migration” ng mga kasamahan pagkatapos ng SONA. (Gemma Garcia)

 

Show comments