MANILA, Philippines - Nasisira umano ng mga militanteng grupo ang tunay na diwa at kahulugan ng Senakulo sa paggamit nila nito sa iba’t ibang kilos-protesta.
Ito ang naging pagpuna ng ilang lider ng Simbahang Katoliko makaraang magsagawa ng mala-Senakulong pagsasadula sa mga rally ng ilang grupo sa panahong ito ng Semana Santa.
Sinabi ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Commission on Public Affairs, ang Senakulo ay ang pagsasadula ng pagpapakasakit ni Hesus Kristo sa layuning mapukaw ang kamalayan ng tao sa kalunos-lunos na karanasan ni Hesus sa pagmamalupit ng mga Romano at Hudyo upang magsisi ang mga tao sa kanilang mga nagawang kasalanan.
Hindi umano ito dapat ihalintulad sa kung sinuman.
Kahit aniya maganda ang mensaheng nais ihatid ng mga militanteng grupo at pagnanais na mabago ang lipunan mula sa mga hindi maayos na pagpapatakbo ng gobyerno na nagpapahirap sa mga mamamayan, mali umanong gamitin ang Senakulo.
Sa panig naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, kawalang-galang o ‘disrespectful’ sa tunay na diwa ng Senakulo ang tulad ng pagdaraos nito sa isang kilos protesta.
Dapat aniyang magbago ang bawat isa at hindi magturo o manisi ng iba sa panahong ito ng Mahal na Araw.
“If we keep on pointing fingers at others, baka tayong nagtuturo ang mahuling magbago,” dagdag pa niya.