MANILA, Philippines - Nag-inspeksyon kahapon si Pangulong Aquino sa Batangas Port kaugnay ng pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Pasado alas-11:00 ng umaga nang dumating ang Pangulo at unang ininspeksyon ang passenger assistance kiosk at ticketing booth.
Nagtungo rin ito sa passenger area saka tiningnan ang ilang motorized banca. Kinausap nito ang mga kapitan at crew para matiyak na kumpleto ang kagamitan.
Ayon kay PNoy, kuntento naman siya sa naging paghahanda sa pier pero pinuna nito ang kakulangan sa life vest ng ilang bangka para sa mga pasahero.
Samantala, wala pa ring patid ang pagdating ng mga biyahero sa Batangas Port.
Nananatili namang maaliwalas ang panahon doon pero ayon kay DOTC Secretary Jun Abaya, na una nang nag-inspeksyon sa pier, oras na magtaas ng storm signal ang PAGASA sa Southern Tagalog dahil sa papasok na Bagyong Chedeng ay ikakansela ang mga biyahe ng barko.
Bukod sa Batangas Port, nag-inspeksyon din si PNoy sa NAIA at sa isang bus terminal sa Quezon City.