MANILA, Philippines – Nasa 5,000 mga campus journalist at kanilang mga adviser mula sa iba’t -ibang paaralan ang magtitipun-tipon sa Taguig City para sa prestihiyosong National School Press Conference (NSPC) journalism competition.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ang host region ngayon ay ang National Capital Region at ang host schools division naman ay ang Taguig-Pateros para sa 5-day event mula April 6 hanggang 10 kaya’t ang lungsod ang magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga kalahok sa kompetisyon na may temang “Empowering Resilient Communities through Campus Journalism”.
Magpapahusayan ang mga kalahok sa individual news writing contest, scriptwriting at radio broadcasting, collaborative publishing contest, magkakaroon din ng workshop para sa mga hindi contestant at mga school paper adviser, at ang nationwide photojournalism contest.
Nakatakdang lumahok sa opening at closing ceremony ang ilang respetadong media personality sa bansa.
Sa halip na sa mga hotel, tutuloy ang mga delegado sa tinaguriang “cool schools” ng Taguig.
Tinawag na cool schools ang mga eskwelahang ito dahil air-conditioned ang mga silid aralan.
“Amin nang inihanda ang mga lugar kung saan tutuloy ang mga kalahok at hanggang maaari ay gagawin naming komportable at kasiya-siya ang kanilang pananatili. Tiwala po kami na magagawa naming komportable ang kanilang mga tutuluyan dahil sa aming mga air-conditioned na silid-aralan,” pahayag ni Mayor Lani.
Itinuturing ang NSCP na pinaka prestihiyosong kompetisyon ng Department of Education na nilalahukan ng mga campus journalist mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school sa bansa.