MANILA, Philippines – Kahit naka-recess ang Kongreso, paiimbestigahan ng oposisyon sa Kamara ang umano’y kawalan ng aksyon ng gobyerno para mabigyan ng hustisya ang SAF 44.
Ayon kay House Independent Minority Leader Ferdinand Martin Romouldez, Reps. Lito Atienza (Buhay partylist) at Jonathan dela Cruz (Abakada partylist), sasabihin na lang ba nila sa mga pamilya ng nasawing SAF commandos na “sorry” dahil mas importante ang MILF kaysa sa sakripisyo ng inyong mahal sa buhay”.
Dagdag sakit pa umano sa kalooban ng mga ito na sa halip bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng Fallen 44 ay ang patuloy na pagsisiguro ng gobyerno na isulong ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito umano ang dahilan kaya hindi nila maiwasang magtanong kung kanino panig ang gobyerno kung sa MILF ba o sa mga Filipino.
Ipinagtataka rin ng mga kongresista kung bakit kahit tapos na ang MILF report at tukoy na ang mga pumatay sa SAF 44 ay hindi pa rin isinusuko ang mga ito sa gobyerno gayundin hindi maobliga ng administrasyon na maisuko ang mga ito.
Dahil dito kaya isusulong ng Independent Minority Bloc ang imbestigasyon sa kawalan ng hakbang ng gobyerno para mabigyan ng hustisya ang mga nasawi kahit naka-recess ang kongreso bunsod na rin sa wala na umanong naririnig sa administrasyon kung ano ang ginagawa nilang hakbang para maaresto ang mga pumaslang sa SAF 44.