MANILA, Philippines – Mismong ang Malacañang na ang nagpaalala kahapon sa mga taga Metro Manila na uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Holy Week na tiyaking sumusunod sa guidelines ng Philippine National Police upang hindi mapasok ng masasamang loob ang kanilang mga tahanan.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, mahalagang sundin ang mga paalala ng PNP upang hindi maging biktima ng krimen.
Mahalaga rin aniyang malaman at itala ang mga hotlines ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na maaring tawagan kung may emergency.
“Lahat ng mga hotline—for the Coast Guard, for MARINA (Maritime Industry Authority), for NLEX, for SLEX (South Luzon Expressway)—nandiyan po ‘yan sa Official Gazette. I-download po natin bago po tayo umalis ng ating mga bahay para masigurado lang po that if kailangan ay on-hand na po ‘yung mga numerong ito,” paalala ni Valte.
Samantala, hindi naman tiyak ni Valte kung kailan maglilibot si Pangulong Aquino sa mga istasyon ng bus, mga pantalan at paliparan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasaherong uuwi sa mga probinsiya.
Isa aniya sa mga ‘concern’ ngayon ng Pangulo ay ang mahabang pila sa mga toll gates katulad ng nangyari noong nakaraang Kapaskuhan.
“So ayaw ng Pangulong maulit ito kaya’t sinigurado niyang mag-synchronize ‘yung mga toll operators natin diyan—NLEX (North Luzon Expressway), SCTEX (Subic-Clark-Tarlac Expressway), TPLEX (Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway)—kasi, ‘di ba, it’s supposed to cut down your travel time. It’s not supposed to bog you down in traffic,” ani Valte.