MANILA, Philippines – Umpisa na ang exodus ng mga tao sa mga pampublikong terminal bunsod upang itaas na sa ‘full alert status’ ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang libu-libong puwersa nito sa buong Metro Manila.
“NCRPO is on full alert status effective today (Saturday), starting at 5pm,” pahayag ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria.
Nitong Biyernes ay itinaas ng PNP sa heightened alert status ang puwersa nito sa Luzon at Visayas habang ang Mindanao Region ay nananatiling nasa full alert kaugnay ng kampanya kontra terorismo. Ang full alert ang pinakamataas na alerto.
Sinabi ni Valmoria na may sapat na bilang ng mga pulis sa buong Metro Manila para mangalaga sa seguridad ng mamamayan sa paggunita sa Semana Santa.
Palalakasin ang ‘police visibility’ sa mga terminal ng bus, daungan at paliparan para tiyakin ang katahimikan at kaayusan sa pagbiyahe ng bakasyunista partikular na ang mga deboto patungo sa mga lalawigan.
Gayundin ang mga bisinidad ng mga Simbahang Katoliko na dinaragsa sa ‘Visita Iglesia’, mga pook pasyalan at iba pang mga matataong lugar.
Pinaigting na rin ang police patrol operations upang umalalay sa mga motorista, commuters at bantayan ang mga kriminal na hindi nagtitika sa pagsasamantala at paghahanap ng mga mabibiktima.
Idinagdag pa ni Valmoria na kanselado ang bakasyon ng mga pulis habang tutulong sa pagmamantina ng trapiko ang mga traffic enforcers ng PNP sa mga personnel ng MMDA upang maging maayos ang daloy ng biyahe sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.