MANILA, Philippines - Muling umapela si Vice President Jejomar Binay kay Indonesian President Joko Widodo para mabigyan ng commutation ang Pinay na sinentensyahan ng bitay sa Indonesia.
Kasunod ito ng pagbasura ng Indonesian Supreme Court sa petisyon ng pamahalaan na ipasailalim sa judicial review ang kaso ng OFW na si Mary Jane Fienta Veloso na nakatakdang bitayin dahil sa pagpupuslit ng kilo-kilong ilegal na droga sa nasabing bansa.
“I am once again appealing to President Widodo’s good heart for the commutation of the death sentence of our kababayan, Mary Jane Fiesta Veloso, who is scheduled be executed in Yogyakarta,” ani Binay na tumatayo ring Presidential Adviser on OFWs Concerns.
Hiniling ni Binay sa lider ng Indonesia na masagip sa bitay si Veloso para na rin sa magandang samahan at pagkakaibigan ng Pilipinas at Indonesia.
“I ask this, with the deepest bond of brotherhood and friendship of our peoples, a bond that I am confident will only grow stronger in the years to come,” ani Binay.
Ikinalungkot ni Binay at pamilya ni Veloso na hindi napagbiyan ng mataas na hukuman ng Indonesia sa hiling na judicial review.
Kinumpirma rin ng DFA ang pagbasura ng Indonesian Supreme Court sa kahilingan ng Pilipinas na marebisa ang kaso ni Veloso.
Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, muling maghahain ang pamahalaan ang ikalawang apela upang masagip si Veloso.
Isa sa mga ipinupunto ng mga abogado ni Veloso na magkaroon ng judicial review sa kaso nito ay ang hindi pagbibigay sa kanya ng tamang translator sa kasagsagan ng pagdinig sa kaso.
Si Veloso ay mag-isang nagtataguyod ng kanyang dalawang anak at hindi umano konektado sa anumang drug syndicate kundi nabiktima lamang.
Nahuli si Veloso sa paliparan ng Indonesia matapos makita sa kanyang dalang bagahe ang 2.6 kilong heroin na ipinadala lamang umano ng isang kaibigan mula Malaysia.
Maging ang United Nations Human Rights Office ay una na ring nanawagan sa Indonesian government na tigilan ang pagbitay sa mga convicted drug smugglers dahil ang death penalty umano ay hindi nito mapipigil ang drug trafficking.
Nabatid na pinaplano ng Jakarta na mag-execute ng 10 convicts, kabilang na si Veloso nang sabay-sabay subalit aantayin ang mga apela na matapos.