MANILA, Philippines - “Aalukin lang namin siya ng kape, di kill plot’
Ito ang reaksyon kahapon ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ibinulgar ni Senador Alan Peter Cayetano hinggil sa umano’y ‘death threat’ na kaniyang natanggap sa nasabing grupo ng mga rebeldeng Muslim.
Sa isang radio interview, itinanggi ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar na plano nilang ilikida si Cayetano.
“It’s not true, we are not going to kill him, hindi po namin gawain yan, iimbitahan na lamang namin siya for a cup of coffee,” pahayag ni Jaafar na sinabi pang espekulasyon lamang ito ng Senador.
Si Cayetano ang isa sa mga Senador na pangunahing tumututol sa ilang probisyon ng kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) matapos imasaker ng MILF fighters ang Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Kasabay nito, muling inalok ni Jaafar si Cayetano na magtungo sa kanilang balwarte sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat.
Sinabi ni Jaafar na pakay ng kanilang imbitasyon ay mapag-usapan ang iba‘t ibang isyu at mga kinakailangan pang gawin na makakatulong sa minimithing kapayapaan sa lupaing tinubuan ng mga Moro sa pamamagitan ng BBL.
Ayon sa MILF official, kapeng pamugon, isang uri ng masarap na katutubong kape ang kanilang ihahain kay Cayetano.
Binigyang diin nito na mas makabubuting mapag-usapan ang anumang isyu kaysa magbatuhan ng maaanghang na akusasyon sa media.
Dagdag pa nito na hindi gawain ng mabubuting Moro ang magbanta lalo na sa mga halal na opisyal ng gobyerno na binibigyan nila ng kaukulang respeto.