Sandiganbayan ibinasura ang hirit ni Bong sa graduation ng anak

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Senador Bong Revilla na makadalo sa graduation rites ng anak bukas.

Sa inilabas na desisyon ng First Division ay sinabi nilang hindi maaaring makalabas ng Philippine National Police Custodial Center ang senador dahil hindi naman “exceptional circumstance” ang dahilan.

Dagdag ng anti-graft court na ayaw rin nilang maging “bad precedent” kung papayagang makalabas ng kulungan si Revilla na isa ring "mockery of the administration of justice."

Nauna nang sinabi ng abogado ng senador na hindi naman para sa kanyang kliyente ang kahilingan, ngunit para sa anak na magtatapos ng high school sa De La Salle Zobel, Ayala Alabang, Muntinlupa City.

Ngunit nanindigan ang korte sa kanilang desisyon.

Anila, iba ang kaso nang payagan nilang makalabas si Revilla matapos malagay sa bingit ng kamatayan ang anak at Cavite Vice Governor na si Jolo.

Samantala, nitong Marso 17 ay nakalabas sa kulungan ang kapwa akusado ni Revilla na si Senador Jinggoy Estrada para rin sa graduation ng kanyang anak.

Ang Fifth Division ang may hawak sa kaso ni Estrada.

Kapwa nakakulong ang dalawang senador dahil sa umano'y pamumulsa ng pera ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel scam na pinangungunahan umano ni Janet Lim Napoles.
 

Show comments