MANILA, Philippines - Nakaalerto na ang tatlong expressway patungong southern Luzon dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga motorista sa Semana Santa.
Ayon kay Tony Reyes, tagapagsalita ng South Tollways Group na binubuo ng Skyway, SLEx at STAR Tollway, magpapatupad sila ng zipper lane o counterflow lane tuwing rush hour o kapag dagsa na ang mga sasakyan para mapabilis ang biyahe.
Inaasahan ng South Tollways Group na 20% hanggang 30% ang itataas sa bulto ng mga sasakyan sa Holy Week.
Kaugnay nito, ipinayo ng toll operators sa mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe at iwasan ang rush hour.
Batay sa obserbasyon ng grupo noong nakaraang taon, bumubuhos ang mga sasakyang palabas ng Metro Manila mula Miyerkules Santo ng hapon hanggang Huwebes Santo ng hapon.
Sa Easter Sunday naman nagsisimulang bumalik sa Kamaynilaan ang mga nagbakasyon sa probinsya.
Para naman mapabilis ang pagdaan sa mga toll plaza, hinihikayat ang mga motorista na maghanda ng eksaktong bayad. Maaari na ring magbayad ng toll sa mga gas station sa kahabaan ng SLEx.
Nagdagdag na rin ng mga ambulant teller ang tatlong expressway kasabay ng pagtatalaga ng mga security at medical team. Sinuspinde rin ang mga road repair upang hindi makaabala sa daloy ng trapik.