‘Justice for Sale’ pinalagan
MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng Coalition of Filipino Consumers ang napaulat na talamak umanong bentahan ng mga desisyon sa Court of Appeals na nagbibigay ng batik sa hudikatura.
“Napag-alaman namin na ilang mahistrado sa Court of Appeals ang tumatanggap ng perang ‘pangsuhol’ ng mga maimpluwensiyang tao na merong kinakaharap na mga kaso. Hindi ito dapat nangyayari dahil ang mga desisyon dito ay dapat batay sa mga merito,” sabi ng secretary-general ng koalisyon na si Perfecto Tagalog.
Ang grupo ni Tagalog ang responsable sa isinampang kasong plunder laban kay dating PNP Chief Alan Purisima dahil sa mga hindi deklaradong ari-arian nito.
Sinabi ni Tagalog na nakatanggap sila ng ulat na may hukom ang “nasuhulan” umano ng pera kapalit ng pagpapalabas ng isang writ of preliminary injunction.
Isa umanong mahistrado ang halal na opisyal sa isang lalawigan at naitalagang miyembro ng hudikatura.
Paliwanag ni Tagalog na ilang mahistrado ang namumuhay na mahirap kaya gumagawa umano ng mga iligal na paraan.
“Pero hindi lahat ng mga justices ay nabibili. Meron ding ilang matitino. Ang maliit na bilang ng mga tiwaling mahistrado ang dumudungis sa dangal ng sistema ng hustisya,” sabi pa niya.
Inamin ni Tagalog na nilapitan siya ng isang mahistrado para hilingin sa kanya na ibunyag ang naturang anomalya dahil hindi na nito masikmura ang katiwalian ng mga kasamahan nito.
Inihalimbawa ng naturang mahistrado na minsan ay hinintay ng isa niyang tiwaling kasamahan na magbakasyon siya bago siya magpalabas ng Writ of Preliminary Injunction sa isang kontrobersiyal na kaso. Nang magkaroon ito ng pagkakataon, nagpalabas ito ng WPI kahit batid nitong iligal ang desisyon.
Mula noon, ayaw na ng mahistrado na magkaroon ng kinalaman sa anumang opisyal na gawain ng mga tiwali niyang kasamahan para hindi siya mapagbintangan ng katiwalian, ayon pa kay Tagalog.
- Latest