MANILA, Philippines – Nagbigay ng kanyang huling pahayag si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes kaugnay ng Mamasapano clash na ikinasawi ng nasa 60 katao, kabilang ang 44 pulis.
Inihayag niya ang “final speech” sa 36th Philippine National Police Academy commencement exercises sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang, Cavite, dalawang buwan ang nakaraang nang maganap ang madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Narito ang kanyang buong pahayag:
Magandang tanghali po sa inyong lahat.
Ngayong araw po, minamarkahan natin ang pagtawid ng 246 miyembro ng PNPA “LAKANDULA” Class of 2015 patungo sa pagiging miyembro ng ating unipormadong hanay. Kasama ang inyong mga magulang at kaanak, pati na ang inyong mga guro at pinuno sa PNP, BJMP, at BFP binabati ko kayong lahat. [Palakpakan]
Lalong nagiging makabuluhan ang pinili n’yong ipangalan sa inyong sarili, ngayong naging bahagi na ng ating pambansang kamalayan ang ginawang kabayanihan ng 44 na magigiting na miyembro ng Special Action Force. Hindi matatawaran ang ipinakita nilang halimbawa bilang “Lahing kayumanggi na handang ialay sa bayan ang dugo at lakas.” Sigurado akong kasama ang kanilang sakripisyo sa mga nasa isip n’yo ngayong pumapasok kayo sa bagong yugto ng inyong pagiging lingkod-bayan. Bilang mga pulis, malalagay kayo sa sitwasyon kung saan nakasalalay sa inyong pagkilos at pagpapasya ang buhay ng ating mga kababayan, pati na ang sarili n’yong buhay at ng inyong kasamahan. Inaasahan ko na gagamitin n’yo ang inyong pagsasanay at lahat ng natutunan dito sa PNPA, hindi lang upang magtagumpay ang inyong mga misyon, kundi upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat isa.
Tiyak ko po na sinusundan ninyo ang mga balita at komentaryo tungkol sa Oplan Exodus. Ang iba sa mga ito ay nagsilbing inspirasyon para sa mga batang pulis na katulad ninyo, at nagpataas ng pagtingin ng mga Pilipino po sa buong kapulisan. Pero sa kasamaang palad, marami rin sa mga ito ang nagdulot ng kalituhan, kung hindi man ng galit, sa ating mga kababayan.
Ngayon po, may dalawang ulat na mapapagkunan ng impormasyon hinggil sa mga naganap sa Mamasapano: Ang Board of Inquiry Report, at ang Senate Report na nabuo matapos ang ginawa nilang imbestigasyon. Maraming tanong sa isip ng ating mamamayan ang masasagot ng mga ulat na ito. Sumasang-ayon po ang dalawang ulat sa mga nauna na nating pahayag tungkol sa mga detalye ng operasyon. Sa katunayan po, pinagtitibay ng dalawang report ang ating posisyon sa simula pa lang na malaking pagkakamali ang kawalan ng koordinasyon sa AFP. Ang ikinalulungkot ko, imbis na magtanong sa akin ay naglagay ng ispekulasyon ang mga gumawa ng ulat. Maitatanong nga po natin: Paano naman makakatulong sa paglilinaw ng isyu kung hula ang gagamitin imbis na facts?
Maliban na lang kung may kailanganin pang paglilinaw mula sa akin ang kinauukulan, ito na ang huling pagkakataon na magsasalita ako tungkol sa isyung ito. Siguro naman po, hindi kalabisan kung ipapahayag ko rin ang aking punto de bista, upang linawin sa inyo ang pinanggalingan ng mga desisyong ginawa ko kaugnay ng mga nangyari sa Mamasapano. Karapatan ninyong malaman ang buong katotohanan. Madalas ngang nasasabi: The truth shall set us all free. Marahil po, ang pinakamahalagang kailangan kong sagutin ay ang tanong sa akin ng ama ng isa sa nasawing SAF Commandos. Tanong po niya, “Bakit n’yo pinapunta doon ang anak ko? Bakit n’yo siya pinabayaang mamatay?”
Nauunawaan ko po ang pinanggagalingan ng ganitong mga pahayag. Paulit-ulit kong binabalikan ang mga alam ko tungkol sa nangyari, at iniisip kung nagkulang ba ako, at kung may iba pa akong dapat nagawa. Bibigyan ko po ng diin: Hindi ko hahayaang pumunta sa isang tinaguriang suicide mission ang sinuman sa ating unipormadong hanay. Kapag nakita kong lubhang peligroso ang isang operasyon, ako ang pinakaunang magsasabing huwag na itong ituloy. Pero sa ipinakita sa aking bersiyon ng plano, nakumbinsi ako na talagang pinaghandaan ito, at magiging maayos ang pagpapatupad nito. Ipinagpalagay din nating masusunod ang lahat ng inutos natin, lalo pa’t mga propesyonal ang ating nakakausap hinggil dito.
Ang sa akin lang po, subukan rin sana ninyong ilagay ang sarili ninyo sa sitwasyon ko. Kung sa umaga pa lang na una akong pinadalhan ng mensahe, tinapat na ako at sinabing, “Sir, nagigipit na kami, hindi po namin nasunod ang sinabi ninyong koordinasyon kaya mabagal ang usad ng Armed Forces. Puwede po ba ninyo kaming tulungang mapabilis ang responde?” Kung nalaman ko ito agad, sa tingin n’yo ba, hindi ako gagawa ng paraan para tulungan ang ating hanay? Pero alam n’yo naman po ang nangyari. Noong umaga ng ika-25 ng Enero, wala pong masasabing urgency ang ipinadala nilang mga text sa akin. Ang dating nga po sa akin, tapos na o patapos na ang nangyayari sa Mamasapano dahil sumasaklolo na raw ang ating mga mechanized units at artillery.
Kaya naman po itinuloy ko ang plano kong pumunta sa Zamboanga. Hayaan ninyo ring ipaliwanag ko ang mga nangyari noong nagpunta ako doon. Dahil sa mga naunang pag-atake ng rogue MNLF, inutos natin, at itinuturing nang “hardened site” ang Zamboanga City. Ibig sabihin po nito, pinagtibay ang mga polisiya sa seguridad para mapigilan ang mga terorista sa kanilang mga masasamang balak. Pagdating ko po doon, pinakitaan ako ng mga litrato ng kotse na ginamit sa pambobomba, pati na ang bahay na pinanggagalingan ng kotseng ito. May surveillance hanggang doon sa lugar kung saan pinasabog ang bomba. Ang tanong nga po natin, kung nasundan na itong sasakyan na ito, bakit hindi pa napigilan ang pag-atake? Alam po n’yo, wala pong makasagot sa akin noong araw na ‘yon. At sa mga sumunod na araw, doon po naipaliwanag sa atin na walang pong nakita ‘yung ating intelligence operatives na tinatawag na overt acts na magsisilbi sanang probable cause o dahilan para sitahin ang mga nakasakay. Bukod pa rito, magdadalawang taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang Zamboanga siege. Ngunit hindi pa rin naisasaayos ang mga dapat isaayos dahil sa mga lokal na isyu. Kaya nga po gusto kong gamitin ang pagkakataon upang kausapin nang masinsinan si Mayor Beng Climaco nang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Habang inaasikaso ko po ang mga ito, naisip ko na tapos na o patapos na ang nangyari sa Mamasapano. Ipapaalala ko lang po, pagabi na nang inabisuhan ako sa tunay na kalagayan, hindi po ng 55th, pero ng ating 84th na tinaguriang Seaborne Company. Ang sabi sa akin, mahirap na raw pong mag-link-up dahil padilim na, at may panganib ng friendly fire. Hindi po tayo pumayag na kinabukasan pa makukumpleto ang pagli-link up. Sabi ko po sa kanila, “Hindi ba natin brothers ang mga nagigipit? Hindi ba dapat gumawa tayo ng paraan?” Inutos ko nga po na gumawa ng plano para maka-link up sa lalong madaling panahon at maisalba ang 84th. Ang pinaka-minimum na papayagan ko ay dapat mabigyan sila ng ayuda tulad ng gamot at re-supply ng bala kung talagang imposibleng makapag-link up. Sa mata po ng Diyos, totoo po ang sinasabi ko sa inyo. Pero batid ko na may ilang sarado na ang isip at hindi na makikinig kahit ano pa ang aking sabihin.
Ngayon po, puwede akong magbigay ng mahabang paliwanag tungkol sa peligrong dinadala nina Marwan at Usman sa ating mga kababayan. Puwede ko ring idetalye ang mga naging problema at pagkakamali sa isinagawang operasyon. Ngayon nga pong nailahad ko na ang lahat ng pinagdaanan ko, at ang mga hawak kong impormasyon noong araw na iyon, meron po kayang makakapagsabi nang totoo na kaya niyang higitan ang mga nagawa natin sa impormasyong tangan natin noong mga araw na iyon upang tugunan ang sitwasyong hindi man niya batid?
Pero batid ko po: Walang salitang sasapat upang maipaliwanag ang pagkamatay ng ating magigiting na pulis. Hindi maipagkakasya sa anumang ulat o talumpati ang lungkot na nararamdaman ng isang magulang na nawalan ng isang mabuting anak. Ang magagawa ko na lamang matapos masabi ang lahat ng dapat sabihin at magawa ang lahat ng dapat gawin: Humingi po ng pang-unawa.
Gaano man katindi ang galit ko sa ginawang pagsuway sa ibinigay kong utos, gaano man ang pagsisisi ko sa pagtitiwala sa mga taong itinago sa akin ang totoo, hindi ko mabubura ang katotohanan: Patay na ang 44 na miyembro ng ating kapulisan. At nangyari ito sa panahon ng aking panunungkulan. Dadalhin ko—at uulitin ko po—dadalhin ko ang katotohanang ito hanggang sa aking mismong libingan.
Uulitin ko po sa inyo: Bilang Pangulo, pasan ko ang responsibilidad para sa anumang resulta, sa anumang tagumpay, pasakit, o trahedya, na maaari nating matamasa sa paghahangad ng pangmatagalang seguridad at kapayapaan. Ikinalulungkot kong may mga pamilyang nawalan ng asawa, ama, kapatid, anak, dahil sa nangyari sa Mamasapano. Ikinalulungkot kong sa pagnanais kong bigyan ng espasyong magluksa ang mga makakakita, sa unang pagkakataon, ng nasawi nilang kaanak, ay may mga nag-isip na ako’y manhid at walang pakikiramay. Ang intensiyon ko noon ay makatulong sa paghilom. Ang gusto ko po sana, kapag may nagtanong ng “Ano ang nangyari? Bakit sila namatay? Ano na po ang mangyayari sa amin?” ay may dala na akong malinaw na sagot. Kung ang naging tugon ko sa mga katanungan ay “Hindi ko po alam,” paano ako makakatulong sa kanilang paghilom? Ikinalulungkot ko ring nadadamay ang ating usaping pangkapayapaan dahil sa sentimyentong naikakabit sa naging resulta ng Oplan Exodus. Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng operasyong ito: Buong pagpapakumbaba kong hinihiling ang inyong pang-unawa.
Bilang Pangulo, napakaraming usapin ang kailangan kong tutukan nang sabay-sabay, na kailangan ng agarang tugon at pagdedesisyon. Responsibilidad ko ang 100 milyong Pilipino sa loob at labas ng ating bansa. Opo, ako ang Pangulo, pero tao rin ako. Hindi ko kayang basahin ang iniisip ng bawat kausap ko, at hindi ko kayang mabantayan ang lahat sa lahat ng panahon. Pero gaya po ng aking panata, patuloy kong gagawin ang tama at makatwiran. Patuloy kong gagawin ang lahat ng aking makakaya upang paglingkuran ang lahat, at maging totoo sa aking sinumpaang tungkulin. Hindi ko naman po sinabi na kagaya ako ng Diyos na alam ang lahat, pero responsibilidad ko na itama ang mali kapag nadiskubre ang mga ito. Kaya sinisiguro ko po sa inyo: Nirerespeto natin ang tamang proseso. Mananagot ang dapat managot.
Nauunawaan ko kung bakit napakataas ng hinihingi ng mga Pilipino sa kanilang pinuno. Matagal silang napagnakawan ng buwis na kanilang pinaghirapan. Binalewala nang ilang taon ang kanilang kapakanan. Mahabang panahong ipinagkait sa kanila ang nararapat lang na dapat ay sa kanila.
Noong tumakbo ako sa pagkapangulo, sinabi ko sa inyo: Hindi po ako magnanakaw. Inimbitahan ko kayong lahat na tahakin ang tuwid na landas, na baguhin ang lumang sistema. Ibinigay n’yo sa akin ang inyong suporta. Nang sumumpa ako sa aking tungkulin, sinabi ko naman: Wala nang wangwang. Tatapusin na natin ang sistemang iilan lang ang nakikinabang, habang nagdurusa ang ating mga kababayan. Matapos ang apat at siyam na [buwan] ng aking panunungkulan, nakikita na po ninyo ang pagbabago. Pinatag natin ang mga lubak sa ating sistema. Tinugis natin ang mga tiwali. Ibinalik natin ang tiwala ng sambayanan sa pamahalaan. Ang dating bansag sa ating “Sick Man of Asia,” napalitan na ng “Asia’s Rising Tiger.”
Sa pag-unlad nga po ng ating ekonomiya, nabigyan tayo ng higit na kakayahan upang tutukan ang mga kakulangan sa kasanayan at kagamitan ng PNP, BJMP, at BFP. Noong araw nga, ang pananaw sa kapulisan, kapag binigyan mo ng armas, maaagaw lang ng NPA. Noong 2007, mababasa sa mga pahayagan, bilang halimbawa, na imbis na bigyan ng de-kalibreng armas at kagamitan, ang ipinapagamit po sa ating mga pulis ay pito at batuta na lang raw, para hindi agawin ng NPA. Ang tanong nga po natin: Paano kaya makakalaban kung ang makakaengkuwentro ninyo ay may dalang M-16?
Sa ating pagtahak sa tuwid na landas, patuloy nating tinutugunan ang mga dinatnan nating kakulangan sa inyong hanay. Ang hangad natin: lalong mapaunlad ang inyong kasanayan para sa tinaguriang “shoot, scoot, and communicate.” Noong 2014 pa lang, naisara na natin ang kakulangan ninyo sa mga pistola nang makabili tayo ng 74,879 Glock 9mm pistols para sa inyong hanay. Nariyan din ang 12,399 handheld radios, at 144 patrol jeeps na naipagkaloob na natin sa PNP mula 2010 hanggang 2014. Nitong Marso naman, nakapag-hire na tayo ng 4,859 non-uniformed personnel para tumutok sa gawaing administratibo sa inyong ahensiya, upang madagdagan naman ang bilang ng mga pulis na nagpapatrolya sa komunidad. Noong nakaraang taon din po, 9,860 PO1 positions na ang napunuan natin. Ngayong taon, naglaan na tayo ng P1.64 billion para madagdagan pa ng 10,000 ang PO1 positions. Para naman po sa Special Action Force: Pinag-aaralan natin nang mabuti ang mga aral mula sa Mamasapano upang higit na masiguro ang minimal risks kapag may operation. Daragdagan pa natin ang kanilang pagsasanay at kagamitan, at ibubuhos ang lahat ng pagkalingang nararapat [sa inyo] bilang isang elite unit ng PNP. Ang hamon nga sa susunod na pinuno ng ating Pambansang Kapulisan: Maglatag ng plano upang higit pang mapagtibay ang pagkakaisa ng ating mga pulis. Baguhin na natin ang kultura na parang may magkakahiwalay na tribo sa PNP; may bata si ganito, may bata si ganyan. Iisa dapat ang ating paghakbang upang maging epektibong tagapagbantay ng ating mamamayan.
Tunay nga po: Napakalaki na ng ipinagbago ng pagtrato ng pamahalaan sa ating mga pulis. Ngayon, mataas ang kanilang morale at mahaba ang listahan ng kanilang pagpapakitang-gilas. Halimbawa nito si Senior Inspector Charity Galvez, na pinamunuan ang kanyang pangkat sa harap ng pag-atake ng 250 NPA sa kanilang presinto noong 2011 sa Agusan del Sur. Matagumpay ring naipagtanggol ng mga pulis natin kamakailan sa Mati City, Davao Oriental ang kanilang presinto matapos umatake ang tinatayang 80 rebelde. Nariyan ang kuwento ni PO3 Edlyn Arbo, na walang-alinlangang tinugis ang isang holdaper sa nasakyan niyang jeep, kahit na off-duty siya at walang dalang baril. Noong manalasa ang bagyong Yolanda, naglakad nang anim na kilometro si Inspector Marjorie Manuta para makatulong sa mga kababayan nating nasalanta. Marahil, naaalala rin n’yo ang kuwento ng apat nating rookie policewomen na buong tapang na humarap sa Martilyo Gang sa Mall of Asia nitong 2014.
Sa paglaban naman sa krimen, katangi-tangi din ang resulta ng operasyon ng PNP, sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Mar Roxas ng DILG at ng Napolcom at ng bumubuo ng ating PNP leadership. Mula nga po nang inatasan natin siya na tutukan ang pagsugpo ng krimen, lalo na sa National Capital Region, at ilunsad ang Oplan Lambat-Sibat noong nakaraang taon: ang dati-rati’y 918 insidente kada linggo ng general criminality rate noong Enero hanggang Hunyo 2014, napababa sa weekly average na 471 nitong nakaraang apat na linggo. Ibig sabihin po, bawat linggo, 447 insidente nating mga kababayan ang nailalayo na natin sa kapahamakan. Ang maganda pa nga, naibaba pa natin sa 400 ang general criminality rate noong nakaraang linggo. Dahil nga po nakikita natin na epektibo ang inisyatibang ito, ilulunsad na rin natin ang Oplan Lambat-Sibat sa iba’t iba pang mga rehiyon.
Malinaw po: Habang kinakalinga ng estado ang ating mga pulis, ay lalo naman silang nagiging mahusay sa pagkalinga sa ating mamamayan.
Ang nangyayaring transpormasyon sa inyo pong mga hanay ay bahagi lamang ng malawakang pagbabagong nagaganap sa ating lipunan. Bibigyan ko ng diin: Pagbabago ang ipinangako ko sa inyo, at pagbabago ang inaani natin ngayon. At wala akong balak na itigil ang pagsulong ng reporma sa nalalabing mahigit isang taon at tatlong buwan ko sa puwesto. Sa patuloy na pagtitiwala at sa pakikipagtulungan ng bawat disenteng Pilipino, masisiguro nating hindi na makakabalik ang lumang sistema kung saan nagdurusa ang napakarami habang nagpapakasasa ang iilan.
Sa mga magsisipagtapos: Mapalad kayo dahil ang daratnan ninyong PNP ay mas moderno at mas kumpleto sa kasanayan at kagamitan. Ang hamon po sa inyo: Sundan, kung hindi man higitan, ang mabuting halimbawa ng mga nauna sa inyo. Sa bawat kriminal na inyong mahuhuli, sa bawat suhol na inyong tatanggihan, at sa bawat pagpapakita ninyo ng tapang sa panahon ng sakuna, makakapag-ambag kayo sa higit na kaligtasan ng kalakhang lipunan. Sa ganitong paraan, magdadala kayo ng karangalan hindi lamang para sa inyong mga sarili, kundi pati sa inyong mga mahal sa buhay, sa inyong uniporme, at sa ating Inang Bayan. Buong pagmamalaki ninyong masasabi: Kayo nga ang “Lahing kayumanggi na handang ialay sa bayan ang dugo at lakas.”
Magandang araw po. Maraming salamat. At muli, binabati ko kayong lahat.