MANILA, Philippines - Inendorso ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang business tycoon na si Manny V. Pangilinan bilang posibleng kandidato sa 2016 presidential elections sa pagsasabing kuwalipikado ito para sa trabaho.
Sa kanyang talumpati sa Maynilad Leadership Talk na ginawa sa University of the Philippines, sinabi ni Santiago na nais nitong pag-isipan ng mga nakikinig sa kanya ang posibilidad na maging presidente ng bansa si Pangilinan.
“I want you to think about Mr. Manny Pangilinan for president of the Republic of Philippines,” ani Santiago.
Inisa-isa ni Santiago ang mga kuwalipikasyon ng nais niyang maging presidente ng bansa at una na rito ang pagiging tapat, may professional excellence at may academic excellence.
“What do you want for the Philippines in 2016? Bakit ba tayo maghahalalan kung wala namang improvement sa mga nahalal noon?” wika pa ni Santiago.
Idinagdag rin nito na ang mga taong katulad ni Pangilinan ang dapat maging lider at hindi ‘yong mayroong mga “highly publicized career”.
“It is people like him who should be elected to positions of leadership,” wika niya.
Sinabi rin ni Santiago na ang career ng mga taong sikat ang posible pang makabulag sa kanila upang paniwalaan na kuwalipikado na sila sa trabaho o posisyon. Partikular na tinukoy ni Santiago ang mga artista at mga nasa media.
Nangyayari anya ito dahil mayorya ng mga botante ay mahihirap at hirap paghiwalayin ang papel ng mga artista sa kung sino ang mga ito sa totoong buhay.
“We have to have a sense of distinction between what is real and what is illusory,” himok nito. “We must educate the Filipino public.” (Malou Escudero)