MANILA, Philippines - Hindi makakasweldo and 120 empleyado ng Makati City Hall maging ang 17 konsehal nito para sa kinsenas matapos hindi pirmahan ni Vice Mayor Romulo Peña ang tseke para sa kanilang sahod.
Ayon kay Councilor Mayeth Casal-Uy, delikado rin pati ang sahod ng nasabing mga empleyado at konsehal para sa Abril dahil ayaw din umanong pirmahan ni Peña ang payroll.
Bilang Vice Mayor, si Pena ang pumipirma sa payroll at tseke ng sahod para sa mga konsehal at mga empleyado nila.
“Nakikiusap kami kay Vice Mayor Pena na isipin ang kapakanan ng mga empleyado. Akala ko ba ang sabi nya hindi nya hahadlangan ang sahod ng mga empleyado,” sabi niya.
Samantala, tumanggap na ng kanilang sahod ang halos 8,000 empleyado ng Makati ngayong Miyerkules. Ang mga vouchers para rito ay pinirmahan ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay at napirmahan na rin nya ang vouchers para sa Abril.
“Nakakalungkot naman na pati ang pamilya namin ay nagdurusa dahil sa mga nangyayaring ito. Nataon pa manding graduation ng aming mga anak na dapat sana ay masayang okasyon at may handaan. Sana naman po maliwanagan ang pag-iisip ng ating Vice Mayor nang hindi na lumala pa ang mga perwisyong inaabot namin,” sabi ni Gng. Mila Pilar, isa sa mga apektadong kawani. (Lordeth Bonilla)