MANILA, Philippines – Hindi ikinatuwa ni Senador Alan Peter Cayetano ang final report ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano clash nitong Enero.
Sinabi ni Cayetano sa kanyang panayam sa dzMM, na isang malaking kalokohan ang resulta ng imbestigasyon ng MILF matapos makakitaan niya ito ng mga butas.
“Napakalaking kalokohan po (report),” wika ng senador. “Unang-una gobyerno pa may kasalanan at sila pa magko-complain,"
Ibinigay ng MILF ang kopya ng kanilang final report kahapon sa Senado, kung saan nakasaad na ang Special Action Force (SAF) ang unang nagpaputok kaya naman napilitan lamang silang bumawi kaya naman wala silang kasalanan.
Dagdag nila na ito ang resulta ng hindi pakikipag-ugnayan ng SAF sa kanila sa pagtugis kay Malaysian terrorist Zulkifli Abd Hir alyas Marwan at Basit Usman.
"Makikita niyo po dito sa report na 'to na panay kalokohan. Siguro naman po panahon na na manindigan ang gobyerno," patuloy ni Cayetano.
Sinabi pa niya na gagamitin niya ang pagdinig ng senado sa Bangsamoro Basic Law upang kuwestiyunin pa ang MILF.
"Panay butas po ang report nila. I look forward to being able to grill them."