MANILA, Philippines – Naglagak ng piyansang P50,000 si Jeane Catherine Napoles, anak ng tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Napoles para sa kanyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kinakaharap na P17.88 million tax evasion case.
Ang batang Napoles ay nakasuhan ng tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Oktubre 2013 dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng buwis para sa mga ari-arian nito na nasa loob at labas ng bansa.
Noong September 2014 inaprubahan ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay Jeane matapos makakalap ng sapat na ebidensya ang BIR na nagdidiin dito sa naturang kaso.
Si Jeane ay sinamahan sa CTA ng kanyang abogadong si Atty. Stephen David para maglagak ng piyansa.
Hinahabol ng gobyerno kay Jeanne ang P17.46 milyong tax liability sa residential condominium sa Ritz-Carlton Residences sa Los Angeles, California at P426,000 halaga bilang co-owner ng dalawang farm sa Pangasinan.