MANILA, Philippines – Isa umanong malaking kasinungalingan at insulto sa mga bayaning 44 fallen Special Action Force (SAF) commandos ang paghuhugas kamay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ginawang pananggalang ng elite forces ang mga nasawi nilang kasamahan kaya natadtad ng mga tama ng bala sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Reaksyon ito ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa isinumiteng report ng MILF kahapon sa Senado.
Giit ng MILF, walang pananagutan ang kanilang Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa pagkamatay ng 44 PNP-SAF, 17 nilang miyembro at ilan bang sibilyan.
Sa 35-pahinang report na isinumite sa tanggapan ni Sen. Bongbong Marcos, sinisi pa ng MILF ang puwersa ng gobyerno lalo na ang SAF dahil hindi nakipag-coordinate sa kanila tungkol sa misyon para hulihin ang mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.
Batay sa report, hindi alam ng pwersa ng MILF na pwersa ng gobyerno ang pumasok sa kanilang lugar. Ang buong akala umano nito, mga kaaway ang pumunta roon.
Giit din ng MILF, ang SAF ang unang nagpaputok at gumanti lang sila.
Inirereklamo rin ng MILF ang umano’y paglabag sa umiiral na guidelines ng ceasefire agreement sa pagitan ng Government Peace Panel at MILF.
Dapat pa umanong maghain ng protesta ang MILF dahil nilabag ng PNP-SAF ang ceasefire agreement sa pagitan ng government peace panel at MILF.
Nanawagan pa ito ng imbestigasyon kaugnay ng pananagutan ng isang SAF commando na pumatay umano ng apat na miyembro ng MILF na natutulog.
Kaugnay naman ng mga armas at personal na gamit ng SAF, naibalik na umano ng MILF ang lahat ng dapat ibalik at hindi lang sila ang kumuha sa kagamitan ng SAF.