MANILA, Philippines – Tatlong Pinoy kabilang ang dalawang menor-de edad ang kumpirmadong patay sa naganap na crackdown at operasyon ng Eastern Sabah Security Command (ESSCOM) laban sa mga undocumented Filipinos at iba pang dayuhan na ilegal na nananatili sa Malaysia noong Sabado.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang mga nasawing Pilipino na sina Nordin Akang, 16; Lahudin Nasir, 17; at Alex Nasir, 18, ng Kampung Bakau, Lahad Datu.
Hindi pa malinaw sa Embahada ang sanhi ng pagkasawi ng tatlong Pilipino matapos ang nasabing pagsalakay ng ESSCOM sa isang public market sa Lahad Datu noong Marso 21. Ayon sa Embahada, nagpadala na sila ng 3-man team at ngayon ay nasa Lahad Datu upang tingnan at imbestigahan ang pagkasawi ng tatlong nabanggit na kabataang Pinoy.
Nabatid na nakipagkita ang consulate team sa kaanak ng tatlong biktima noong Linggo ng hapon at nakipagpulong sa ESSCOM at police authorities kahapon ng umaga. Hiniling ng Embassy team sa mga awtoridad na magsagawa ng buo, impartial investigation at magbigay ng kopya ng anumang police report sa pagkasawi ng tatlong Pilipino.
Iginiit ng Embahada sa Malaysian authorities na kailangan malaman ang naging sanhi ng pagkasawi ng tatlong Pinoy at tratuhin ng makatao ang iba pang nahuli sa crackdown.