MANILA, Philippines – Nagpapasalamat ang kampo ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay sa paglilinaw ni Department of Justice Secretary Leila De Lima na “advisory” o pagpapayo lamang ang ibinigay na legal opinion nito sa isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagpapatupad ng suspension order ng Ombudsman sa alkalde.
Sinabi ni De Lima sa isang pahayag kamakailan na ang ibinigay niyang legal opinion hinggil sa naturang TRO ay hindi maituturing na hatol at dapat sundin ng lahat.
“Opinyon lang iyan. Hindi nagbibigay ng hatol na dapat sundin ng sino man. Isa lang iyang payo,” pahayag ng kalihim.
Ayon kay Makati Councilor Mayeth Casal-Uy, wala nang dapat dahilan para magmatigas sina Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at si Vice Mayor Kid Peña na ito (Peña) ang acting mayor ng Lungsod.
“Nagsalita na po si Secretary De Lima. Nagpapayo lang siya. Yun ay opinyon lamang niya at hindi binabago ang hatol ng hukuman,” sabi ni Casal-Uy. “Nagpapasalamat po kami sa paglilinaw ni Secretary De Lima. Panahon na para itigil na ng DILG ang pagmamatigas nila at sumunod sa hukuman. Para naman po maging ganap na ang katahimikan dito sa Makati,” sabi ni Uy.
Samantala, tiwala ang Malacañang na walang magaganap na “constitutional crisis” kasunod ng Makati standoff o ang pagkakaroon ng dalawang alkalde sa Makati City.
Ang constitutional crisis ay nangyayari kapag hindi umiiral ang rule of law dahil sa hindi pagkilala ng isang sangay ng pamahalaan sa kapangyarihan ng isa pang co-equal branch of government.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay may mandato na tiyakin ang maayos na operasyon sa lahat ng local na pamahalaan kasama na ang Makati City.
Ang lahat aniya ng isyung may kaugnayan sa legalidad ay tatalakayin at reresolbahin ng CA sa mga itinakdang pagdinig o oral argument sa Marso 30-31.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag bunsod nang pagmamatigas ni Junjun Binay na huwag kilalanin ang suspension order sa kanya mula sa Ombudsman na tatlong oras bago siya nakakuha ng 60-day temporary restraining order (TRO) mula sa Court of Appeals (CA). Bago pa lumabas ang TRO ay nanumpa na si Vice Mayor Romulo Peña bilang acting mayor ng lungsod na ayon sa DILG, Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ay lehitimo at dapat kilalanin ni Binay.