Huwag ako’ng gibain ‘Di na ako tatakbo’- Noy

TIAONG, Quezon, Philippines – Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi na ito tatakbo sa darating na halalang pampanguluhan sa 2016 elections kaya hindi dapat siya ang ma­ging target ng demolisyon.

Sinabi ito ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa ground breaking ng Toll Road 4 ng Southern Luzon Expressway dito kahapon ng umaga. Naunang kumalat ang tsismis na hinimatay daw siya noong Biyernes ng gabi at nabagok pa daw ang kanyang ulo habang may kausap sa Malacañang.

Muling itinanggi ni Pa­ngulong Aquino ang kumalat na tsismis na siya ay nag-collapsed habang may kausap sa Malacañang.

“Marahil ho narinig niyo ang kumalat na iba’t ibang bersyon ng tsismis ‘nung hatinggabi ng Biyernes patawid ng Sabado. Ang sabi po nag-collapse daw ako sa Malacañang, na may malubha raw akong karamdaman habang ang iba naman ay nagsasabing nasa ICU na ako. Nang makita nila ako ‘nung Sabado ng gabi na wala namang problema sa kalusugan, may panibagong tsismis na namang lumalabas. Kami raw ang nagpakalat ng kathang-isip na ito para lang makakuha ng simpatya sa publiko,” dagdag pa ng Pangulo.

Winika pa ng Pangulo na lalong walang katotohanan na sila pa daw mismo ang nagpakalat ng tsismis na ito upang makakuha lamang siya ng simpatya sa taumbayan dahil sa isyu ng Mamasapano.

“Ang tindi talaga nitong mga kalaban natin. Bakit hanggang diyan umabot na sila? At siguro matanong ko rin sa sarili ko: At alam naman po nilang hindi na ako tatakbo next year, bakit ba pinupuntirya na nila parati akong banatan, banatan, at banatan? Simple lang po ang sagot diyan. Kung ako po’y maganda ang nagawa at kinikilala siguro ng ating mga kritiko, natural ‘pag tayo’y nag-endorso, may halaga. So ang trabaho po nila ngayon, lahat ng napagtulungan natin ay gawing balewala para sa ganoong paraan ‘pag na­ngako silang mas mabuti ang gagawin nila, tila mas madali,” paliwanag pa ni Aquino kahapon.

Samantala, sinabi naman ni TRB executive director Edmund Reyes Jr. na sisimulan ang konstruksyon ng T4 sa Enero 2016 at inasahang matatapos sa 2019. Inaasahang sa 2018 ay mabubuksan na ang Tiaong exit ng TR 4 na lalong magpapabilis sa pagluluwas ng mga produktong agrikultura sa Kamaynilaan mula sa Southern Luzon.

Ang Southern Luzon Tollway Corporation na unit ng San Miguel Corporation ang gagawa sa T4 na May habang 58 kilometro mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Lucena City sa Quezon province.

Show comments