Kelot itinumba ng de-kotse

MANILA, Philippines – Bulagta ang isang 51-anyos na lalaki makaraang dalawang beses na barilin sa ulo ng isang salarin na lulan ng isang kotse, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng kalibre .45 sa sentido ang biktimang si Alfredo Gomez, residente ng Brgy. San Agustin, ng naturang lungsod. Agad na tumakas ang hindi nakilalang salarin o mga salarin lulan ng isang pulang kotse na hindi naplakahan.

Sa ulat, kinukumpuni ng biktima ang kanyang motorsiklo sa tapat ng kanyang bahay dakong alas-12:35 ng mada­ling araw nang huminto sa kanyang tapat ang pulang kotse at lumabas ang mga salarin. Agad na pinaputukan nang malapitan ng gunman ang biktima saka mabilis na tumakas tungo sa direksyon ng Gen. Luna street.

Bigo naman ang pulisya na masakote ang mga salarin. Narekober sa lugar ng krimen ang dalawang basyong bala ng kalibre .45 na isasailalim sa ballistic examination ng pulisya. Patuloy din naman ang imbestigasyon sa insidente upang mabatid ang motibo sa pamamaslang.

Show comments