MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Francis ‘’Chiz’’ Escudero na ang Mamasapano incident ay massacre at hindi simpleng misencounter.
Ito ang reaksyon ng senador matapos na igiit ng Commission on Human Rights (CHR) na ang Senate report sa Mamasapano incident ay kulang sa objectivity.
“I hope na nabasa niya ang buong report”, paliwanag ni Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero na karamihan sa 44 na Special Action Force ay binaril nang malapitan.
“Masaker talaga ‘yun dahil close range binaril ‘yung 34 out of 44 SAF troopers,” pahayag ni Escudero.
Labis ang pagkadismaya ng senador kung papaano tinitingnan ng CHR ang human rights violation laban sa mga pulis at sundalo.
“Pagsibilyan ang nasasaktan, human rights violation agad, pero ‘pag pulis militar ang nasasaktan.. Wala bang human rights o karapatang pantao ang isang unipormadong tao?” kwestyon ng senador.
Nauna nang sinabi ni CHR chairperson Loreta Ann Rosales na ang findings na inilabas ng Senado sa Mamasapano sa pamamagitan ni Senator Grace nakaraang linggo ay agad na naglabas ng konklusyon na isang massacre ang insidente.
Kasabay nito ay umaasa si Escudero na ang OPAPP ay pumanig naman sa puwersa ng gobyerno.
“Everybody sees it, they are always taking the side of the MILF. I would like to see them take the side of the police, the soldiers, the government that they should be representing in this peace talks, not the other side,” himutok pa ng senador.
Idinagdag pa nito na maski umano sa anong dictionary tignan ay babagsak sa kahulugan ng massacre ang nangyaring pagpatay sa mga miyembro ng SAF.