Pamilyang Laude itinanggi ang P21M deal
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng pamilya ng nasawing si Jeffrey "Jennifer" Laude na nakipag-areglo na lamang sila sa kasong murder laban sa Amerikanong sundalo.
Hiniling din ng kapatid ng biktima na si Malou kay Justice Secretary Leila de Lima na palitan ang kasalukuyang state prosecutor dahil sa umano'y hindi pakikipagtulungan.
“Wala na po bang ibang prosecutor ang Department of Justice na pwedeng tumulong sa amin? Na pwedeng makipag-tulungan sa aming abogado? O kayang tumanggap ng tulong at kooperasyon mula sa aming abogado?" nakasaad sa liham.
Sinabi ni Malou sa kanyang liham kay De Lima na hindi nakikipagtulungan si Olongapo City chief prosecutor Emilie de los Santos sa kanilang mga abogado na pinamumunuan ni Harry Roque.
"Hindi namin maintindihan kung bakit ayaw pumayag ng kasalukuyang public prosecutor na makipagtulungan ang aming abogado sa pagtatanggol sa aming karapatan para matiyak ang hustisya sa pakamatay ni Jennifer," patuloy niya.
"Lalong hindi namin maintindihan na kahit sa case conference na pinatawag ng public prosecutor ay hindi man lamang papayagan ang aming abogado na i-represent kami," dagdag ni Malou.
Itinanggi rin ng pamilyang Laude na tumanggap sila ng P21 milyon kapalit ng pag-areglo sa kaso.
Nagsimulang dinggin ngayon ang kasong murder laban kay Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, kung saan tumestigo sa kaso ang hotel bellboy na si Elias Gallamos at kaibigan ng biktima na nakilala lamang sa pangalang “Barbie.”
Natagpuan ang bangkay ni Laude noong Oktubre 2014 sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Olongapo City.
Si Pemberton ang huling nakitang kasama ng biktima bago mangyari ang krimen.
- Latest